Tubig sa Angat dam hindi na sapat sa Metro Manila sa susunod na taon – NWRB

by Radyo La Verdad | February 15, 2016 (Monday) | 3830

MON_NWRB
Nanganganib na kulangin na ang supply ng tubig sa Metro Manila sa susunod na taon.

Ayon sa National Water Resources Board, hanggang 2017 na lamang makapag su-supply ng sapat na tubig ang Angat dam sa Metro Manila dahil sa lumalaking populasyon at demand.

Ibig sabihin, mababawasan ang alokasyon ng tubig sa Metro Manila at posibleng mas maging madalas ang water interruption.

Maging ang mga irigasyon, nanganganib na hindi na rin ma-supplyan ng tubig na ang maapektuhan ng husto ay ang mga pananim.

Sa ngayon ay sapat ang supply ng tubig sa Metro Manila dahil sa naka-imbak na tubig sa Angat dam dahil sa dalawang bagyo na dumaan sa bansa noong nakaraang taon

Subalit dahil hindi naman nadadagdagan ang imbak na tubig sa Angat dam at sa lumalaking populasyon at inaasahang pagtaas ng demand sa Metro Manila ay baka kulangin na ito sa susunod na taon.

Ang nakikitang solusyon ng pamahalaan ay magtayo pa ng mga dam.

Tatlo ang planong itayo ng pamahalaan at ang mga ito ay ang Laiban, Kaliwa at Kanam dam sa Nakar Quezon.

Ang problema tatagal ng lima hanggang anim na taon ang pagtatayo ng mga dam kaya hindi rin kaagad makakatulong sa naka-ambang kakulangan ng suplay ng tubig sa susunod na taon.

Dahil dito pipilitin ng NWRB na pagkasyahin ang tubig sa Angat Dam hangang sa maging operational ang mga itatayong dam.

(Mon Jocson / UNTV Correspondent)

Tags: , ,