Kasong graft, conduct unbecoming of public officials, gross neglect of duty, grave misconduct at conduct prejudicial to the best interest of the services ang isinampang reklamo ni DILG Undersecretary Epimacio Densing III laban sa 17 elected at appointed officials ng Aklan Province at bayan ng Malay. Bunsod umano ito ng nangyaring iregularidad sa Boracay Island.
Kabilang sa sinampahan ng kaso ay sina Aklan Governor Florencio Miraflores, Mayor Ceciron Cawaling ng bayan ng Malay, Vice Mayor Abram Saulog at mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Malay.
Ayon kay Rowen Aguire, executive assistant ng Malay, handang harapin ni Cawaling ang isinampang reklamo ng DILG.
Nabigla naman si Maylynn “Nenette” Graf, isa sa mga Sangguniang Bayan member ng bayan ng Malay at chairman ng Committee on Environment ng Malay LGU, na nakasali siya sa mga inireklamo.
Aniya, dismayado ito sa pangyayari dahil isa aniya siya sa mga pangunahing sumusulong para maprotektahan ang kalikasan ng isla ng Boracay.
Ayon pa kay Graf, dapat aniyang tignan ng mabuti kung sinu-sino ang dapat papanagutin sa mga nangyari sa Boracay at hindi lamang ang mga opisyal ng local government.
Sinubukan din ng UNTV na makuhanan ng pahayag si Aklan Governor Miraflores ngunit hindi pa ito nakakapagbigay ng kaniyang panig.
Samantala, tumanggi namang magbigay ng pahayag ang mga kapitan ng barangay sa Boracay hinggil sa naturang reklamo. Wala ring inilabas na pahayag ang iba pa.
Sa ngayon ay inaantay na lamang ng mga local officials ang pagdating ng reklamo mula sa Office of the Ombudsman saka anila sila magbibigay ng konkretong sagot hinggil sa mga reklamong isinampa ng DILG laban sa kanila.
( Vincent Arboleda / UNTV Correspondent )