Zika virus, posibleng mailipat sa pamamagitan ng laway at ihi ayon sa pag-aaral

by Radyo La Verdad | February 7, 2016 (Sunday) | 1906

ZIKA-COLUMBIA
Posibleng mailipat sa iba’t ibang mga tao ang Zika virus sa pamamagitan ng laway at ihi.

Ito ang lumabas sa pinakabagong pag-aaral na isinagawa ng Fiocruz Institute sa Rio de Janeiro sa Brazil.

Ayon kay Dr. Paulo Gadelha, Director ng FIOCRUZ na nagtataglay ng Zika virus ang mga saliva at urine samples na nakuha nila sa mga pasyente.

Nangangahulugan ito na ang simpleng paghalik sa isang apektadong tao ay pwedeng maglipat ng virus sa ibang tao.

Kaugnay nito, mahigpit na ring ipinagbabawal ngayon sa Brazil ang sharing ng pagkain pati na rin ng mga baso, kutsara at ilan pang kitchen utensils para maiwasan ang nasabing uri ng sakit.

Mula 2014 ay umabot na sa 1.5Million katao ang nahawaan ng Zika virus sa nasabing bansa maliban pa sa mga isinilang na bata na apektado ng microcephaly na umaabot naman sa 3,670.

Ang microcephaly ay isang uri ng kundisyon kung saan ay hindi nade-develop ng husto ang utak ng isang sanggol sa sinapupunan ng kanyang ina at dahilan rin ng pagkakaroon ng maliit na bungo.

Nauna nang sinabi ng World Health Organization na nakukuha rin ang Zika sa pamamagitan ng pagkikipagtalik maliban pa sa kagat ng lamok at blood transfusions.

(UNTV Radio)

Tags: ,