Mga kritiko ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4p’s, binatikos ni Pangulong Aquino

by Radyo La Verdad | February 3, 2016 (Wednesday) | 4384

PNOY-SOLIMAN
Natuon sa usapin ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4p’s ang pagdiriwang ng ika-animnaput limang anibersaryo ng Department of Social Welfare Development sa Malakanyang martes.

Dito nagbigay ng testimonya ang ilan benepisyaryo kung paano sila natulungan ng 4p’s

Ayon kay Pangulong Aquino, malaki na ang naging reporma sa DSWD kumpara sa nadatnan ng kaniyang administrasyon.

Pinalaki rin ang budget ng ahensya para sa 4p’s sa 62 billion pesos para sa 2015 mula sa 10 billion pesos noong 2010.

Pinasaringan naman ni Pangulong Aquino ang mga patuloy na bumabatikos sa pagpapatupad ng 4p’s.

“Mayroon naman nagsasabi, imbestigahan daw ang Pantawid Pamilya at napakalaki ng gastusin dito, palagay ko naman po tayong mas nakakarami bukas at maayos ang pagiisip, sasabihing yung naitalang 7.7 milyong pilipino nakaalpas na sa kahirapan sa tulong ng 4p’s, talagang sulit ang bawat pisong inilaan natin sa programa.” Pahayag ni Pangulong Aquino

Dumaan sa kritisismo ang flagship program na ito ng administrasyon dahil na rin sa inilabas na 2014 audit report on official development assistance programs and projects ng Commission on Audit kung saan may nakitang pagkukulang sa pagpapatupad ng 4p’s tulad ng hindi wastong listahan ng mga benepisyaryo nito.

Una na ring ipinaliwanag ng DSWD na nagkaroon sila ng technical problem sa kanilang database dahilan naman upang lumutang ang isyu ng “ghost beneficiaries” ng 4p’s.

Samantala sa anibersaryo rin ng DSWD, iniulat ng pangulo na inaprubahan na niya anniversary bonus para sa mga kawani ng ahensya.

Umaasa si Pangulong Aquino na ipagpapatuloy ng mga kawani at opisyal ng ahensya ang mga programa ta repormang nasimulan ng kaniyang administrasyon.

(Nel Maribojoc/UNTV News)

Tags: ,