Aprubado na sa Congressional Bicameral Conference Committee ang mandatoryong paglalagay ng mga speed limiter sa lahat ng mga pampublikong sasakyan.
Ayon kay Senator JV Ejercito, pangunahing may akda ng Senate Bill No.2999 o ang Speed Limiter Bill, ang naturang panukala ay bunsod ng sunod-sunod na aksidenteng kinasangkutan ng Don Mariano, GV Florida at Valisno buses kung saan maraming commuter ang nasugatan at nasawi dahil sa over-speeding ng mga bus.
“Fatal accidents that involved the Don Mariano, GV Florida, and Valisno buses prompted me to file this bill. This is our solution to eliminate killer buses.” Pahayag ni Senador Ejercito.
Bersyon ng kamara ang sinunod ng Bicam committee kung saan lalagyan ng speed limiter ang lahat ng public utility vehicle.
Sa ilalim ng panukala, matapos ang isang taong implementasyon ng Department of Transportation and Communication, saka lamang pag-aaralan kung isasama na rin sa lalagyan ng speed limiter ang mga taxi, tricycle, at jeepney.
Magmumulta naman ng limampung libong piso at masususpinde ang mga prankisa ng mga lalabag sa nasabing panukala.
Dagdag pa ni Senador Ejercito,ang itatalagang speed limit ay ipapaubaya sa magiging desisyon ng Department of Transportation and Communication, Land Transportation, Franchising, and Review Board, Land Transportation Office, Department of Science and Technology, at Department of Trade and Industry.
(Meryll Lopez / UNTV Radio Reporter)
Tags: BICAM, pampublikong sasakyan, speed limiter