Ex COMELEC Chairman Benjamin Abalos, pinayagan ng Korte na makabiyahe sa Singapore hanggang Feb.5

by Radyo La Verdad | February 1, 2016 (Monday) | 2482

SANDIGANBAYAN
Pinayagan ng Sandiganbayan si dating COMELEC Chairman Benjamin Abalos na makabiyahe sa Singapore ngayong araw hanggang sa Biyernes.

Ito sa kabila ng kasong graft na kinakaharap ni Abalos kaugnay ng maanomalyang 329-dollar NBN ZTE deal noong 2007 kung saan kapwa akusado rin si dating Pres. Gloria Arroyo at dating DOTC Sec. Leonareo Mendoza.

Ipinagutos ng korte na magbayad si Abalos ng 90 thousand pesos bilang travel bond, magpakita ito sa Sandiganbayan limang araw matapos ang byahe at iprisinta ang pasaporte bilang katunayan ng kanyang travel abroad.

Pinaalalahanan naman ng Sandiganbayan na kung sakaling hindi sumunod si Abalos sa mga kundisyon ng Korte, ipapawalang bisa nila ang travel bond nito at magiisyu ng warrant of arrest laban sa kanya.

Ginigiit ni Abalos na kinakailangan nitong sumailalim sa medical examination sa Singapore matapos ang naging operasyon sa kanyang spine na isinagawa sa kanya roon noong Setyembre 2015.

(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,