Kustodiya ni Lt. Col. Marcelino, inaasahan ng Philippine Navy na maililipat na sa kanila

by Radyo La Verdad | February 1, 2016 (Monday) | 1485

ROSALIE_NAVY
Ipinahayag ng tagapagsalita ng Philippine Navy na si Col. Edgard Arevalo na malalaman ngayong araw ang resulta sa pag-uusap ng Bureau of Jail Management and Penology o BJMP at Philippine National Police Anti Illegal Drugs Group hinggil sa kustodiya ni Lt.Col. Ferdinand Marcelino.

Nililinaw pa ng BJMP sa PNP Anti Illegal Drugs Group ang kustodiya ni Marcelino.

Noong Biyernes, hiniling ng Philippine Navy sa Department of Justice Secretary ang kustodiya ni Marcelino dahil batay sa probisyon ng batas, ang isang military personnel na nasa active service at nadakip ng anumang law enforcement agency ay kinakailangang idetain sa detention facility ng AFP habang sumasailalim sa imbestigasyon.

Dagdag pa ng Philippine Navy, maituturing na nasa panganib ang buhay ni Marcelino dahil dati itong director ng Special Enforcement Division at nakapagneutralize ng mga sindikato at kriminal.

At mas matitiyak ang kaniyang seguridad kung maide-detain siya sa isang detention facility ng Philippine Navy.

Nangako naman ang Philippine Navy sa pamamagitan ni Col. Arevalo na walang special treatment kay Marcelino at agad na ipepresenta kung atasan ng Department of Justice, The Office of Prosecutor of Manila o mg anumang korte kung mapasakanila na ang kustodiya ng akusadong navy officer.

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: ,