Dalawang sea ambulance ang ibinigay ng lokal na pamahalaan ng Iloilo sa Bayan ng Concepcion upang mapabilis ang pagresponde ng mga otoridad sa mga nangangailangan ng emergency response lalo na sa mga islang nasasakupan nito.
Ayon kay Dr. Ildefonso Toledo ng Concepcion, Iloilo, isang malaking suliranin ng mga residente na nakatira sa labing-anim na islang sakop ng Concepcion ang pagdadala ng kanilang mga mahal sa buhay sa ospital lalo na kapag emergency cases dahil sa problema sa transportasyon.
Ito’y bunsod na may kalayuan ang mga naturang isla sa bayan at malayo rin sa Iloilo City kung saan nandoon ang mga malalaki at modernong ospital sa lalawigan ng Iloilo.
Sa pamamagitan ng dalawang modernong sea ambulance, mas mapapabilis na ang pagresponde sa mga residente na nakatira sa mga isla sa Bayan ng Concepcion Iloilo at maging sa mga kalapit na isla sa naturang lugar.
Ang nasabing sea ambulance ay mayroon nang Global Positioning Satellite o GPS, radio communication system, medical kit, oxygen, stretchers, rubber boat at mga gamot.
Kaugnay nito, magsasagawa naman ng rescue training ngayong buwan ang lokal na pamahalaan ng concepcion sa pamamagitan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council upang matugunan ang pangangailangan na magkaroon ng inter-island rescue unit sa naturang lugar.
Sakaling matapos ang nasabing rescue training, ay maaari nang simulan ang 24/7 duty o dalawampu’t apat na oras araw-araw na pagbabantay ng naturang rescue unit gamit ang dalawang sea ambulance.
Sa pamamagitan ng mga naturang sea ambulance at rescue unit, umaasa ngayon ang lokal na pamahalaan ng bayan ng concepcion na matutugunan na ang pangangailan ng mga residente sa iba’t-ibang isla rito hinggil sa emergency response.
(Lalaine Moreno / UNTV Correspondent)
Tags: 2 sea ambulance, Bayan ng Concepcion Iloilo, inter-island rescue