Bangsamoro Basic Law, walang nang pag-asang maisabatas ayon sa LP Congressman

by Radyo La Verdad | January 29, 2016 (Friday) | 1827

DAN-FERNANDEZ

“yung BBL tingin ko talaga dead na.”

Ito ang naging pahayag ni Laguna Rep. Dan Fernandez isa sa mga kongresistang miyembro ng Liberal Party.

Ayon kay Fernandez maikli na ang natitirang 3 araw na session upang maisabatas ang BBL.

Sa ngayon naguumpisa palang sa period of amendments ang BBL at ito ay isa sa mga pinakamahabang proseso sa pagpasa ng isang batas.

Maliban dito maipasa man daw ito sa Kamara wala na silang sapat na panahon upang dumaan ito sa Bicameral Conference Committee.

Dismayado naman dito ang mga kongresista sa Mindanao.

Ayon kay Deputy Speaker Pangalian Balindong matagal na nilang hinihintay ang pagkakataong ito na magkakaron nang kapayapaan sa Mindanao.

Subalit naudlot pa dahil sa hindi na magagawa pang ipasa ng kongreso ang BBL.

Ikinatatakot nito ay ang lalong paglaganap ng kaguluhan sa Mindanao at ang posibilidad ba pagpasok pa ng mga international terrorist.

Isa pa sa naging problema sa pagpasa ng BBL ay ang quorum dahil hirap na hirap na makakuha ng quorum ang mababang kapulungan ng kongreso.

Kaya naman para kay Sulu Rep. Tupay Loong tila binalewa lang kanyang mga kapwa kongresista ang kahalagahan ng BBL.

Wala na aniya silang magagawa pa kung ipaubaya ito sasunod na administrasyon.

Sagot naman ni Fernandez nagkataon lang na malapit na ang eleksyon kaya nagiging abala na kasi ang mga kapwa nya kongresista sa pagikot sa kanilang lugar dahil sa pangangampanya.

Maging ang House Speaker aminado na mahihirapan na silang maisabatas ito dahil sa magkaibang bersyon ng Senado at Kamara.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang Malakanyang sa isyu na patay na ang pagsasabatas ng BBL.

(Grace Casin/UNTV News)

Tags: ,