Sinisisi ngayon ni Lt.Col. Ferdinand Marcelino si PDEA Dir.Gen Arturo Cacdac sa pag-aresto sa kanya sa drug raid sa Sta Cruz, Manila noong nakaraang linggo.
Nahaharap si Marcelino sa mga reklamong paglabag sa R-A 9165 of Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Sa kanyang counter affidavit na isinumite sa Department of Justice, sinabi nito na nakilala naman siya ng mga tauhan ng PDEA na nagsagawa ng raid at nagtiwala ang mga ito sa kanyang paliwanag kung bakit siya nandun sa lugar.
Una nang sinabi ni Marcelino na kinukupirma niya ang isang tip mula sa kanyang impormante tungkol sa shabu laboratory doon.
Ngunit nang dumating umano si Director Cacdac, iniutos nito na arestuhin siya.
May personal aniyang galit sa kanya si Cacdac dahil nananatili siyang kasama sa kampanya laban sa illegal na droga.
Itinanggi naman ng legal officer ng PNP-Anti Illegal Drugs Group ang paratang ni Marcelino.
Ayon kay Chief Inspector Roque Merdegia, inaresto lamang si Marcelino nang wala itong maipakitang dokumento upang patunayan na nagsasagawa siya intelligence activity sa lugar.
Hanggang ngayon, hindi pa rin maipresenta ni Marcelino ang kanyang mission order o ang kopya ng kanyang coplan o case operational plan.
Sa inquest proceedings noong nakaraang Biyernes, halos limang oras ang ibinigay ng prosecutor ng DOJ upang mailabas niya ang nasabing dokumento.
Ayon sa kanyang abogado, confidential ito at hindi maaaring ilabas.
Samantala, hiniling na rin ni Marcelino na mailipat siya sa PNP Custodial Center mula sa detention facility ng PNP-AIDG.
Hiniling na rin ng kanyang abogado na isauli ang mga personal na gamit na kinuha sa kanya nung siya ay arestuhin, kabilang na ang mga tm card, id at 86-thousand pesos na cash na pambayad aniya sa pagpapa ospital ng kanyang asawa.
Itutuloy naman ng DOJ ang preliminary investigation sa mga reklamo sa darating na Miyerkules.
(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)
Tags: Lt. Col. Ferdinand Marcelino, pagkakaaresto, PDEA Director General Arturo Cacdac