Warehouse ng thinner sa Caloocan City, nasunog

by Radyo La Verdad | January 28, 2016 (Thursday) | 2592

REYNANTE_SUNOG
Isang warehouse ng thinner ang tinupok ng apoy sa sunog na naganap sa Caloocan City kagabi.

Naabo ang malaking bahagi ng Moon Top General Merchandising sa #33 A. Mabini St. Barangay 30 Maypajo na pagmamayari ni Richard Sy.

Batay sa ulat ni Fire Superintendent Antonio Razal, hepe ng Caloocan City Fire Department, umabot sa third alarm ang sunog na nagsimula dakong 11:22 ng gabi at idineklarang fire out bandang alas siyete ng umaga.

Natagalan sa pag-apula ng apoy ang mga bombero dahil sa laki ng bodega at maraming nakaimbak na pintura, thinner at mga highly flammable chemicals sa loob ng warehouse.

Hindi naman naabot ng sunog ang maraming katabing mga bahay ng warehouse dahil mayroon itong firewall.

Wala ring naiulat na namatay o nasaktan sa insidente.

Tinatayang aabot ng apat na milyong piso ang halaga ng mga napinsalang ari-arian dahil sa sunog.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga otoridad upang mabatid kung ano ang naging sanhi ng sunog.

Muli naman paalala ng mga otoridad sa mga establishmento na para maiwasan ang sunog ay siguraduhing walang mga machine at mga appliance na naiwang naka on bago umalis ng gusali.

(Reynante Ponte / UNTV Radio Reporter)

Tags: , , ,