Ikinalungkot ng Department of Health ang mababang bilang ng mga mag-aaral sa mga public school sa Zamboanga City na nakiisa sa deworming activity ng kagawaran kahapon bilang bahagi ng kanilang Oplan Goodbye Bulate.
Sa Tetuan Central Elementary School na isa sa pinakamalaking pampublikong paaralan sa lungsod ay nakapagtala lamang ng isanlibu at siyam na tumugon sa panawagan ng DOH.
Kakaunti lamang ito kumpara kabuoang populasyon ng paaralan na mahigit apat na libu at dalawandaan.
Ayon sa principal hindi umano nagbigay ng consent o pahintulot ang karamihan sa mga magulang ng mga bata para painumin ng deworning tablet.
Aniya, epekto pa rin ito ng nangyari noong nakaraang taon sa Zamboanga del Norte na nagkaroon ng panic dahil sa epekto ng gamot kapag ipinainom lalo na sa batang may bulate.
Ayon sa DOH normal lamang sa isang bata na makaramdam ng pagsusuka, pananakit ng tiyan o ulo, pagkahilo at maging pagtatae kapag ito ay maraming bulate o kaya naman ay uminom ng deworming tablet ng gutom.
Kahapon bago isinagawa ang deworming activity ay nagkaroon muna ng feeding activity sa mga paaralan para masigurong busog ang mga bata at hindi makaramdam ng matinding epekto ng gamot.
Kaugnay nito muling namang nanawagan ang DOH Nine sa mga magulang na purgahin ang kanilang mga anak dahil lalaking matamlay at hindi malusog ang kanilang anak pag marami itong bulate.
Isa sa magandang epekto ng deworming tablet ay mawawala ang panghihina ng mga bata, magkaroon ng ganang kumain at mataas ang IQ.
Itutuloy ngayong araw ng kagawaran ang school deworming para sa mga hindi pa nakainom ng gamot.
Tiniyak ng DOH na ligatas at hindi expire ang ipinapainom na Albendazole 400mg chewable deworming tablet.
(Dante Amento / UNTV Correspondent)
Tags: DOH, mga tumugon, school deworming, Zamboanga city