Mga foundling, kinikilala bilang mamamayan ng Pilipinas sa ilalim ng mga batas ng bansa ayon kay Chief Justice Sereno

by Radyo La Verdad | January 27, 2016 (Wednesday) | 2223

RODERIC_SERENO
Kung si Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang tatanungin, hindi na kailangang lumayo ang abogado ni Senador Grace upang patunayan na ang mga foundling ay kinikilala bilang mamamayan ng Pilipinas.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Korte Suprema sa oral arguments kahapon, iniisa isa ni Sereno ang mga batas na kumikilala sa mga foundling bilang mamamayan ng bansa.

Kabilang dito ang Republic Acts 8552 at 8043 na nagtatakda ng mga panuntunan sa pag aampon ng mga batang Pilipino sa loob o labas man ng bansa.

Sakop ng naturang mga batas ang mga foundling kayat para sa abogado ni Poe, patunay lamang ito na kinikilala sila bilang mga Pilipino.

Ayon pa kay Sereno, kung magdedesisyon ang Korte Suprema nang taliwas sa interes ng mga foundling, mababaliktad ang mga batas na nagbibigay-proteksyon sa kanila.

Sinabi pa nito na isang impossible condition na iatang sa mga foundling ang pagpapatunay na sila ay natural born citizen gayong hindi nga nila alam kung sino ang kanilang magulang.

Sinabi naman ng abogado ni Poe na ang linya ng pangangatwirang ito ng punong mahistrado ay sumusuporta sa kanilang posisyon.

Tinututulan ang kandidatura ni Senador Poe dahil bilang isang foundling ay hindi umano ito natural born citizen.

Sa ilalim ng saligang batas, requirement ng isang kandidato sa pagka pangulo ang pagiging natural born citizen.

Itutuloy naman ng Korte Suprema sa susunod na martes ang pagdinig sa oral arguments sa mga apela ni Poe sa pagkansela ng COMELEC sa kanyang kandidatura.

Tags: , ,