Inaasahang haharap sa Senado ang ilang miyembro ng Gabinete, at mga opisyal ng pambansang pulisya at ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa Mamasapano reinvestigation ngayong araw.
Kabilang sa dalawampu’t apat na resource persons na inaasahang dadalo ay sina Executive Secretary Pacquito Ochoa, Communications Secretary Sonny Coloma, Defense Secretary Voltaire Gazmin, dating Interior Secretary Mar Roxas, dating AFP Chief Gregorio Catapang, dating PNP Chief Alan Purisima, dating PNP OIC Leonardo Espina, PNP Chief Ricardo Marquez, Board of Inquiry Chairman Police Director Benjamin Magalong, dating SAF Director Getulio Napeñas at 6th Infantry Division Commander Edmundo Pangilinan.
Ayon kay Senador Grace Poe na chairperson ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, bibigyan ng sapat na oras na makapagtanong si Senador Juan Ponce Enrile sa mga resource person kaugnay sa sinasabing bagong ebidensya sa Mamasapano incident.
Para naman kay Senador Antonio Trillanes IV, mas mabubuo ang istorya sa insidente kung ilalahad sa publiko ang napagusapan sa executive session noon kaya naman magmomosyon sya na isapubliko ito.
Naniniwala si Trillanes na maisasalba ang kaliwat-kanang batikos kay Pangulong Aquino kung ilalahad ang nasa executive session.
Pabor naman si Senador Chiz Escudero sa mungkahi ni Trillanes, aniya magagawa ito kung magbobotohan ang mga miyembro ng Komite.
Sa kabila nito umaasa naman sina Senador Ferdinand Marcos at Sen.Cynthia Villar hindi sana makalimutan ang pagbibigay tulong at hustisya ang naulilang mga pamilya ng SAF 44.
Alas dyes ng umaga ang schedule ng reinvestigation mamaya.
(Bryan De Paz / UNTV Correspondent)
Tags: executive session, Mamasapano incident, Mamasapano reinvestigation, sen. trillanes