Lowell Menorca, iginiit sa korte na may panganib sa kanyang buhay at pamilya

by Radyo La Verdad | January 27, 2016 (Wednesday) | 6433

Menorca
Isinagawa ngayong martes sa Court of Appeals 7th Division ang cross examination sa tiwalag na Iglesia ni Cristo o INC Minister na si Lowell Menorca II kaugnay ng writ of amparo na isinampa nya laban sa INC.

Kinuwestiyon ng abugado ng INC na si Atty. Rogelio Vinluan ang naunang pahayag ni Menorca ukol sa pagdukot, pagdetine, at pagpapahayag sa korte.

Ayon kay Menorca nasa biniyaang mga ito noon dahil sya ay under duress o kontrolado at ibig lamang niyang protektahan ang kanyang pamilya na nahawak ng mga INC ministers ng mga panahong iyon.

Tinanong din si Menorca ukol sa kanyang paglabas ng INC compound sa Quezon City at paggi-gym.

Paliwanag ni Menorca na guwardiyado siya at kaya pinagbigyan ang ilan niyang kagustuhan ay para maipakita ng INC sa media at publiko na walang kumokontrol sa kanya.

Dagdag pa nito ang pagbabawal sa kanilang makakilos ng walang bantay ay isang patunay na may banta sa kanilang buhay.

Pinagpapaliwanag naman ng korte si Police Supt. Thomas Valmonte na nagpakilala bilang legal officer ng Manila Police District sa naunang pagdinig sa writ of amparo petition ni Menorca.

Si Valmonte ang humarap sa pagdinig at sinasabing hindi mailalabas si Menorca sa kulungan ng araw na inaresto ito ng walang court order.

Samantala inilabas ng kampo ni Menorca ang karugtong na video ng umanoy ilegal na pagaresto sakanya.

Ipinakita rin sa video na sinabi ng pulis na umaaresto na wala syang badge.

Pinabulaanan naman ng kampo ni Menorca na sinaktan ng kanyang asawa ang hindi naka-unipormeng pulis na huhuli sa kanya.

Itinulak lamang umano ni Jinky ang pulis dahil sa takot na pati ang kanilang anak ay kunin nang makitang papalapit ito sa anak nilang babae na nasa loob ng kanilang sasakyan.

Kakasuhan ni Menroca ang mga pulis at iba pang sangkot sa naturang pagaresto.

(Darlene Basingan/UNTV News)

Tags: