Mga kasamahan at kaklase ng nasawing SAF 44 sa Mamasapano, Maguindanao, nagtipon-tipon bilang pag-alala at pagpupugay sa mga ito

by Radyo La Verdad | January 26, 2016 (Tuesday) | 2777

DANTE_SAF
Pagpupugay at pagpupuri ang naging sentro ng ginawang pagtitipon ng mga kasamahan at kaklase ng mga nasawing SAF Commando kagabi.

Isinagawa ito sa 5th Special Action Batallion headquaters dito sa Zamboanga City na pinaggalingan ng tatlumput lima sa 44 na nasawi na kabilang sa 55th SAC o blocking force.

Sa simula ay nagkaroon muna ng pag-aalay ng bulaklak para sa SAF 44 at twenty one gun salute.

Pagkatapos nito, ay binigyan ng pagkakataon na makapagsalita ang ilan sa mga kaklase at kasamahan ng nasawing SAF troopers.

Dito inaalala ng kanilang mga kabaro ang ilang magagandang pinagsamahan habang tumutupad sila ng kanilang tungkulin.

Mula pa sa pag-aaral sa pnpa hanggang sa mapasok ng SAF ay itinuring na umano nilang kapatid ang isa’t isa.

Kabilang na dito ang kamag-aral ni Police Senior Inspector Gednat Tabdi na pumutol sa daliri ni Marwan at isa sa pinarangalan ng medal of valor.

Hindi anila makakalimutan ang nangyari sa mga kasamahan.

Ngunit sa kabila ng nangyari, malaki umano ang natutunan ng mga SAF troopers sa Mamasapano incident.

Tiniyak ng mga ito na mas lalo pang pag-ibayuhin ang paglilingkod sa bayan at pangangalaga sa mga mamamayan.

Hiling din ng mga ito na huwag sanang makalimutan ng mga tao ang kabayanihan ng Gallant 44.

Ipinagmalaki ng mga ito na maging bahagi sila ng SAF Commando na itinuring na tagaligtas.

(Dante Amento / UNTV Correspondent)

Tags: , , , ,