Nangangamba ang mga empleyado ng PAGASA na mawala ang kanilang mga benepisyo kapag naisabatas ang senate version ng panukalang Salary Standardization Law of 2015.
Ayon kay Philippine Weathermen Employees Association President Mon Agustin, wala naman ang pag-repeal sa RA 8439 sa House Version ng Salary Standardization Law subalit ito ay nasa probisyon ng Senate Version na kamakailan ay naipasa na rin.
Ayon sa mga empleyado ng PAGASA, mahigit sa kalahati ng kanilang basic pay ang mawawala sa kanilang mga benepisyo kapag ang bersyon ng senado ang naaprubahan.
“ 17 taon po naming ipinaglaban upang masama sa GAA ang nasabing Magna Carta for government workers ng PAGASA, pero ngayon po ay biglaang aalisin sa amin kaya kami po ay nangangamba na ito’y magdudulot ng economic disaster po sa lahat ng empleyado.” Pahayag ni Agustin
Kasama sa mga benepisyo ng magna carta para sa S&T workers sa gobyerno ay ang hazard pay, longivity pay ay subsistence allowance.
Halimbawa na lamang ay ang isang 30 taong empleyado ng ahensya na sumasahod ng nasa 34 na libong piso kada buwan.
Halos 13 libo ang maaalis sa kanyang benepisyo kung aalisin ang magna carta.
Ayon sa grupo, posibleng madagdagan pa ang mga umaalis nilang kasamahan lalo na sa hanay ng mga forecaster.
Noong nakaraang taon lamang ay 2 senior weather specialist ang nag-abroad.
Ayon naman kay Presidential Communications Operations Office Secretary Sony Coloma, hindi naman aalisin ang margna carta ng kundi kukwentahin lamang ng DBM kung magkano ang dapat na tanggapin ng isang empleyado na nakasaad din sa Joint Resolution no 4 o ang SSL III.
(Rey Pelayo/UNTV News)
Tags: PAGASA, Philippine Weathermen Employees Association President Mon Agustin, resign, SSL III