Walang magawa ang mahigit sampung pasahero ng isang pampasaherong jeep sa Quezon City kagabi kundi ibigay ang kanilang mga gamit nang tutukan ng baril ng tatlong holdaper sa bahagi ng Quezon Avenue kagabi.
Ayon sa driver ng jeep na si Rommel Miranda habang byahe papuntang U.P. ang kanilang sasakyan pinara sila ng dalawang suspek sa madilim na bahagi sa tapat ng Lung Center of the Philippines pasado alas otso ng gabi.
Matapos huminto ang driver dahil sa pag-aakala na pasahero ang mga pumara, pumasok sa loob ng jeep ang mga suspek at bigla silang tinutukan ng patalim at baril at nagdeklara nang holdap.
Hindi naman nakapalag ang driver dahil tinutukan din siya ng baril para huwag tumakas. Nakita niya din na may dalawang armadong lalaki na watcher sa lugar.
Kinuha agad ng mga suspek ang mga wallet, cellphone, alahas at mga pera ng mga pasahero.
Pati mga gamot ng isang ginang na para sana sa kanyang mga anak ay kinuha din ng mga suspek.
May ilang mga lalaking pasahero na gusto sanang manlaban ngunit hindi na rin sila umimik dahil sa takot na may masamang mangyari sa kanila at may mga bata pa sa loob ng jeep.
Matapos tangayin ng mga suspek ang mga gamit ng biktima ay mabilis tumakas ang mga suspek.
Pumunta naman agad ang mga biktima sa presinto ng kamuning police station para ipablotter ang nangyari sa kanila.
Ayon sa mga pasahero pawang nasa edad 20 anyos pataas ang mga suspek, payat at mga nakasuot na t-shirt.
Sa ngayon ay iniimbestigahan na mga otoridad ang pangyayari para matunton ang mga suspek.
(Reynante Ponte / UNTV Radio Reporter)
Tags: 5 armadong suspek, isang jeep, Mga pasahero, Quezon City