Alas-kuwatro pa lamang ng umaga ay naghanda na ang mga tauhan ng PNP-Highway Patrol Group para sa unang araw ng kanilang bagong trabaho bilang taga-mando ng traffic sa Edsa.
Pagsapit ng ala-singko ng umaga ay nakapwesto na ang mga ito sa anim na choke point na kinabibilangan ng Balintawak, Aurora blvd o Cubao, Ortigas ave, Shaw blvd, Guadalupe at Pasay Taft Rotunda.
Mayroon ding dalawampu’t limang motorsiklo ang mga tauhan ng hpg na gagamitin sa paghabol sakaling takbuhan sila ng mga pasaway na motorista.
May ilang mobile patrol din na ipinoste sa bawat chokepoint.
Ayon kay PNP Chief P/Dir. Gen. Ricardo Marquez, isang malaking hamon sa pnp ang gagawing pagpapaluwag sa Edsa dahil kinakailangan ito ng disiplina ng mga motorista.
Ang 150 tauhan ng HPG ay tutulungan pa rin ng may 150 ding tauhan ng MMDA sa Edsa bukod pa sa 10 local police na itatalaga sa bawat choke point area.(Lea Ylagan/UNTV Correspondent)