15 lugar sa bansa, pasok sa listahan ng elections hotspots ng PNP

by Radyo La Verdad | December 11, 2018 (Tuesday) | 8875

May inisyal na listahan na ng elections hotspots ang Philippine National Police (PNP) kaugnay ng 2019 midterm elections.

Ayon kay PNP Spokesperson PCSupt. Benigno Durana Jr., 15 lugar na ang natukoy ng PNP na pasok sa election hotspots base sa isinagawang Joint National Peace and Order Council and 4th Regional Peace and Order Council Clusters meeting sa Davao City noong ika-26 ng Nobyembre.

Kasama sa listahan ang siyam na munisipalidad sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), dalawa sa Region 5 at tig isa naman sa Region 2, Region 4A, Region 9 at Region 10.

Ayon kay Durana, posibleng madagdagan pa ito habang papalapit ang halalan.

Kaugnay nito, ipinag-utos na rin aniya ng pamunuan ng PNP ang pagpapatupad ng mahigpit na seguridad sa mga lugar na kabilang sa elections hotspots.

Ayon sa tagapagsalita ng PNP, kabilang sa naging konsiderasyon para ituring na election hotspot ang isang lugar ay ang pagkakaroon ng matinding labanan sa pulitika, presensya ng criminal groups, banta mula sa mga lokal na terorista kabilang ang New People’s Army (NPA), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at mga ISIS-inspired group.

May naitalang election violence noong nakaraang eleksyon, presensya ng Private Armed Groups (PAGS) at maraming naglipanang mga baril.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,