Panukalang batas laban sa mga abusadong taxi driver pasado na sa committee level ng House of Representatives

by Radyo La Verdad | January 21, 2016 (Thursday) | 2738

TAXI
Matapos ang sunod-sunod na reklamo ng mga pasahero laban sa mga abusadong taxi driver, aprubado na sa House Committee on Transportation ang panukalang batas na magbibigay proteksyon sa mga pasahero.

Sa ilalim ng Taxi Passengers Rights Bill lahat ng mga taxi driver na mapapatunayang umabuso sa kanilang pasahero ay pagmumultahin ng limang libong piso hanggang labing limang libong piso.

Maaari ring suspindihin kanselahin ng tuluyan ang kanyang lisensiya o depende sa bigat ng kanyang naging paglabag.

Nakasaad rin sa panukalang batas na kailangan ang mga taxi driver ay naka-uniporme.

May suot na ID at may contact number na naka-display sa harapan ng taxi.

Dapat ay maayos at nakadisplay sa metro ang babayaran ng pasahero at bibigyan ng tamang sukli.

Hindi na rin maaaring tumanggi ang sinumang taxi driver na isakay ang pasahero at ihatid sa kanyang destinasyon.

Kailangan na idaan ang pasahero sa mas mabilis na ruta maliban na lamang kung malalagay sa alanganin ang buhay ng pasahero.

Kailangan ding malinis, ligtas, smoke free at nasa magandang kondisyon ang taxi.

Labag din umano sa batas ang pagdadala ng anumang uri ng armas kahit pa ito ay pananggalang ng driver sa abusadong pasahero.

(Grace Casin/UNTV News)

Tags: ,