Mga petisyon ni Sen. Grace Poe kaugnay ng pagkansela ng COMELEC sa kanyang kandidatura, dininig sa oral arguments ng Korte Suprema

by Radyo La Verdad | January 20, 2016 (Wednesday) | 3060

SUPREME-COURT
Sinimulan ng dinggin ng Korte Suprema sa oral arguments ang mga petisyon ni Sen. Grace Poe bilang apela sa resolusyon ng COMELEC na nagkakansela sa kanyang certificate of candidacy.

Sa pagdinig unang naglahad ng kanyang argumento ang abogado ni Senador Poe na si Atty. Alex Poblador.

Sa pagtatanong ni Senior Associate Justice Antonio Carpio, binanggit nito ang deliberasyon sa 1935 constitution tungkol sa mga foundling na gaya ni Poe.

Ayon kay Carpio, natalo sa naturang botohan ang panukala na kilalanin bilang natural born citizen ang mga foundling.

Sagot ni Atty Poblador, hindi mahalaga ang botohan kundi ang dahilan kung bakit ito natalo sa botohan – dahil hindi na umano kailangang banggitin sa letra ng 1935 constitution ang mga foundling.

Subalit iginiit nito na sa ilalim ng international law ay kinikilala ang mga foundling bilang mamamayan ng bansa kung saan sila natagpuan.

Ngunit ayon kay Justice Carpio, wala pang international law noong mga panahon na iyon.

Tinanong din ni Justice Carpio ang abogado ni Poe kung bakit balikbayan visa ang ginamit nito nang bumalik ng bansa noong may 2005.

Kung talagang nagnanais itong manirahang permanente sa bansa dapat aniya ay nag apply ito ng permanent residence visa.

Sagot ng abogado ni Poe, ang pagbabalik ni Poe sa bansa noong 2005 ang pasimula ng proseso ng kanyang permanenteng paninirahan sa pilipinas.

Sa pagtatanong naman ni Justice Estela Perlas-Bernabe, naungkat ang jurisdiction ng COMELEC sa kwalipikasyon ng mga kandidato lalo na sa pagka pangulo.

Ayon kay Poblador, walang kapangyarihan ang COMELEC na mag-disqualify ng isang kandidato sa pagka pangulo kung wala namang intensyon na iligaw ang paniniwala ng publiko dahil ito ay nasa kapangyarihan ng Presidential Electoral Tribunal.

Kailangan aniyang maghintay na mahalal sa pwesto ang kandidato bago matingnan ng P-E-T kung pasado ito sa kwalipikasyon.

Tinanong naman ni Justice Jose Perez ang abogado ni Poe kung may kapangyarihan ba ang COMELEC na humatol sa citizenship ni Poe gayong nagdesisyon na ang senate electoral tribunal na siya ay isang natural born filipino citizen.

Sagot ng abogado ni Poe, conclusive at dapat kilalanin ng COMELEC ang desisyon ng S-E-T.

(Roderic Mendoza/UNTV News)

Tags: , , , ,