Mga petisyon ni Sen. Grace Poe kaugnay ng pagkansela ng COMELEC sa kanyang certificate of candidacy, diringgin ng Korte Suprema sa oral arguments ngayong araw

by Radyo La Verdad | January 19, 2016 (Tuesday) | 2444

SEN-POE
Alas-dos mamayang hapon sisimulan ang pagdinig sa oral arguments sa mga petisyon ni Sen. Grace Poe sa Korte Suprema.

Itong mga petisyon na ito ay bilang apela sa mga resolusyon ng COMELEC na nagkakansela sa COC ng senadora

Magugunitang naglabas ng dalawang magkahiwalay na resolusyon ang COMELEC noong December 23 at kinakansela ang COC ni Senador Grace Poe

Subalit nakakuha ng dalawang TRO sa Korte Suprema ang senadora kaya’t napigilan ang COMELEC na ipatupad yung kanilang desisyon at nagpatawag ng oral arguments ang Korte Suprema.

Mamaya sa oral arguments, si Atty. Alex Poblador ang unang maglalahad ng argumento para sa kampo ni Senador Poe.

Susundan ito ni Solicitor General Florin Hilbay at ni Commissioner Arthur Lim na kakatawan naman sa COMELEC.

Habang sina Atty. Manuelito Luna, Atty. Estrella Elamparo, Atty. Antonio Contreras at dating Law Dean Amado Valdez naman para sa mga private respondents.

May tigsa sampung minuto ang abogado ni Senador Poe, COMELEC at Solicitor General upang maglahad ng kanilang argumento habang tigli limang minuto naman para sa mga private respondents.

Bukod pa dyan ang oras na ilalaan sa pagtatanong ng mga mahistrado.

Magiging sentro ng debate mamaya ang isyu kung nagkaroon nga ba ng material misrepresentation o nagsinungaling si Senador Poe tungkol sa kanyang citizenship at residency sa kanyang certificate of candidacy.

Ito ang mismong dahilan na ginamit ng comelec sa mga desisyon na nagkakansela sa kanyang kandidatura.

Ibig sabihin niyan kapag napatunayan na nagsinungaling at sadyang iniligaw ni senador poe ang taongbayan sa pagsasabi na siya ay natural born citizen at kumpleto siya sa sampung taon na residency requirement, ay tuluyan nang makakansela ang kanyang kandidatura.

Subalit kapag napatunayan naman na hindi siya nagsinungaling sa kanyang COC, tuloy na tuloy na at wala nang hadlang sa kanyang pagtakbo bilang pangulo ng bansa.

Samantala, sa kabila ng pagtanggi ng solicitor general na makisali sa pagtalakay dito sa kaso at depensahan ang COMELEC, inatasan pa rin ito ng Korte Suprema na magbigay ng kanyang opinyon.

Bilang tribune of the people, ang solicitor general ang kumakatawan sa pamahalaan at sa taumbayan sa mga usapin na makakaapekto sa interes ng taumbayan.

Kaya’t kasama pa rin si Solicitor General Florin Hilbay sa maglalahad ng kanyang opinyon sa isyu ng citizenship at residency ni Senador poe.

Una nang kinatigan ng Solicitor General ang desisyon ng Senate Electoral Tribunal na isang natural born filipino citizen ang senadora.

Ngunit nananatili itong tahimik sa isyu ng kung naabot nga ba ng senadora ang sampung taong residency requirement ng isang kandidato sa pagkapangulo.

(Roderic Mendoza/UNTV News)

Tags: , ,