SSS, suportado ang pag-veto ng Pangulong Aquino sa P2, 000 SSS pension hike

by Radyo La Verdad | January 18, 2016 (Monday) | 1433

Ipinahayag ng SSS na lubos nilang sinusuportahan ang pag-veto ng Pangulong Aquino sa House Bill 5842 o ang P2,000 – across the board increase para sa mga SSS pensioner.

Ipinaliwanag ni SSS Commissioner Michael Victor Alimurung na mangangailangan kasi ng P4.3-billion pesos kada buwan at P56 Billion sa loob ng isang taon kung inaprubahan ng Pangulo ang pension hike.

Kung ito rin ay naisabatas malulugi ang SSS ng P26 billion ngayong 2016 at aabot rin sa P130 Billion ang net revenue loss sa taong 2028.

Kapag sinimulan din aniyang ipatupad ang dagdag na pension ngayong taon maaring magdeklara ng bankrupcy o pagkalugi ang SSS sa taong 2027.

Ipinahayag din ni SSS Pres. Emilio de Quiros na nais naman nila na itaas ang pension ng mga SSS member at saklaw na rito ang mga beneficiary nguni’t sa ngayon ay pinag-aaralan pa rin nila ito.

Maari nilang matugunan ang dagdag na pension kung unti-unti nilang itaas ang kontribusyon ng SSS members.

Aniya, ayaw nila na dumating sa puntong magdeklara ng bankrupcy ang SSS dahil maglalabas sila ng pera ng mga miyembro nguni’t walang katapat na revenue.

(Aiko Miguel / UNTV Radio Reporter)

Tags: , ,