Nananawagan ang Armed Forces of the Philippines at Philipipine National Police sa mga kandidato ngayong eleksyon na huwag nang palakasin pa ang di umano’y nanghihina nang pwersa ng New People’s Army o NPA sa pamamagitan ng pagbabayad ng permit to campaign o ptc sa nasabing rebeldeng grupo.
Ayon pa kay Maj Gen. Rey Leonardo Guerrero, East Mindanao Command Commander, bagama’t mahina na ang pwersa ng nasabing rebeldeng grupo ay hindi pa rin maikakaila na ang mga ito ay armado kung kaya’t banta pa rin ito sa seguridad ng mga mamamayan
Dagdag pa ng opisyal, nakatala sa kanilang historical data ang mga kandidatong nagbabayad ng nasabing permit to campaign o ptc sa mga nasabing rebeldeng grupo sa mga nagdaang eleksyon.
Ayon kay Guererro, batay sa nasabing tala, umabot sa 151M pesos nakuha ng rebeldeng grupo mula sa mga pangingikil nito sa iba’t ibang sektor, mga kandidato sa eleksyon, mga may-ari ng iba’t ibang establisimyento at mga negosyante.
Kung kaya’t nanawagan ang mga militar at mga pulis lalo na sa mga kandidato ngayong elesksyon na huwag matakot sa mga pagbabanta ng npa at sa halip ay ipagbigay alam sa kanila ang mga pangingikil upang mabigyan sila ng kaukulang proteksyon sa kanilang mga pangangampanya
Sa parte naman ng mga negosyante, malaking problemasa kanilang mga negosyo ang ginagawang pagsusunog ng mga npa sa kanilang mga gamit sa tuwing tumatanggi silang magbigay sa mga ito. Ngunit hindi sila nawawalan ng pag-asang mabibibyan sila ng proteksyon ng mga otoridad.
(Joeie Domingo/UNTV News)