Naglabas na ng kanilang desisyon ang Korte Suprema sa kaso ng edca o ang Enhanced Defense Cooperation Agreement ng Pilipinas at Estados Unidos.
Sa botong 10-4, pinagtibay ng Supreme Court ang constitutionality ng EDCA at idineklarang naaayon ito sa saligang batas.
Ginamit ng Korte Suprema na basehan ng kanilang desisyon ang Article 18, Section 25 ng 1987 Constitution na pumapayag na pumasok ang pangulo ng bansa sa isang executive agreement.
Ito ay sa kondisyong hindi ito magbibigay daan sa pagkakaroon ng base-militar at pagpasok ng mga dayuhang sundalo sa bansa at ito ay magpapatupad lamang ng umiiral na kasunduan.
Ayon sa korte, isang executive agreement ang EDCA at hindi ito treaty gaya ng paniwala ng senado.
Sinang-ayunan din ng Korte Suprema ang posisyon ng Malakanyang na ang EDCA ay mga panuntunan lamang upang ipatupad visiting forces agreement at ang mutual defense treaty na pinagtibay na ng korte noong 2009.
Sinabi pa ng Supreme Court na may kapangyarihan ang pangulo ng bansa na pumasok sa isang kasunduan gaya ng EDCA at hindi na ito kailangan pang dumaan sa ratipikasyon ng senado.
Kahit man anila ang korte ay hindi basta pwedeng pakialaman ang kapangyarihan ng pangulo sa bagay na ito.
Ikinatuwa naman ng embahada ng Estados Unidos ang desisyong ito ng Korte Suprema.
Umaasa ang U-S na makatutulong ito sa pagpapatibay ng bilateral relationship ng dalawang bansa.
Ayon naman sa Malakanyang, malaking tulong ang naging desisyon na ito ng Korte Suprema para sa pagpapalakas ng sandatahang lakas ng pilipinas at mapalakas ang kapabilidad ng bansa sa pagtatanggol ng teritoryo.
(Roderic Mendoza/UNTV News)