Tatlong araw matapos tangayin ng isang babaeng suspect sa palaruan sa isang mall sa Sta. Rosa Laguna ang dalawang taong batang babae na si Baby Princess Claire ay nabawi na ito ng mga otoridad.
Naisoli na ang bata sa kaniyang mga magulang kagabi matapos may makapagsabi sa kanila na ang kanilang nawawalang anak ay nasa Crisis Center ng DSWD sa Binan Laguna.
Tila nabunutan nang malaking tinik sa dibdib ang mga magulang ni Baby Princess ng muli nilang makita at mayakap ang kanilang nawawalang anak.
Biernes ng hapon ng makita sa cctv ng mall ang pagtangay ng isang tila menor de edad pa na babae ang bata habang magisang naglalaro sa palaruan na nakahiwalay sa kaniyang ina.
Ayon sa Sta.Rosa Police dalawang tindera umano ang naghatid sa Barangay Poblacion sa Binan sa bata matapos nila itong makita sabado ng gabi na namamalimos sa kalsada.
Naging susi rin ang social media sa mabilis na paghahanap sa bata dahil agad umano nilang inilagay sa facebook ang kopya ng cctv sa pagtangay kay Baby Princess.
Pinaghahanap na ng mga otoridad ang suspect na mahaharap sa kasong abduction.
paalala naman ng mga otoridad bantayang mabuti ang mga anak lalo na kung magtutungo sa mga matataong mga lugar tulad ng mga mall.
ligtas naman si Baby Princess sa anumang karamdaman matapos ipasuri sa doktor bago isauli sa kaniyang mga magulang.
(Sherwin Culubong / UNTV Correspondent)
Tags: Batang dinukot, Biyernes, Laguna, Mall