Pamilya ng SAF 44, umaasa na mabibigyan na ng hustisya ang kanilang mahal sa buhay sa muling pagbubukas ng Senado ng imbestigasyon sa mamasapano incident

by Radyo La Verdad | January 12, 2016 (Tuesday) | 3856

SAF-44
January 24, 2015 nang makailang tawag si Ginang Merlyn Gamutan sa kanyang asawang si Senior Inspector Joel Gamutan, ngunit hindi ito sumasagot, wedding anniversary nila ang araw na iyon.

Kinaumagahan, tumawag si Joel, na commander ng 55th Special Action Force Company, ngunit hindi upang batiin ang misis, ikinuwento nito ang engkwentrong nangyari sa Mamasapano, Maguindanao.

Iyon na ng huling pagkakataon na narinig ni Merlyn ang boses ng asawa.

Isa lamang si Joel sa apatnapu’t apat na SAF Commandos na nasawi sa madugong Mamasapano incident noong January 25, 2015.

Labing walong Moro Islamic Liberation Front Fighters din ang napatay sa insidente.

Halos isang taon matapos mangyari ang mamasapano clash, hinagpis, hirap ng kalooban at matinding pangungulila pa rin ang naramramdaman ng pamilya at mga kamag-anak ng gallant SAF 44

Itinakda ng senado ang reopening ng Mamasapano inquiry sa mismong unang taon ng madugong engkwentro sa Enero a-bente sinco, araw ng lunes.

Umaasa ang mga naulilang pamilya na mas mapapabilis na ang pagbibigay ng hustisya sa kanilang mga nasawing mahal sa buhay.

Kagaya ni Merlyn, tandang tanda rin ni ginang Julie Cayang-O kung paano nito tinangkang hadlangan ang misyon ng kanyang asawang si POo1 Gringo Cayang-O, na hindi naman nagpapigil dahil sa tawag ng tungkulin.

Ayon sa mga mga naulilang pamilya ng SAF 44, hindi sagot sa kanilang mga katanungan ang mga ipinangakong tulong at benepisyo ng pamahalaan.

Nanawagan din ang mga naulilang pamilya sa mga opisyal ng pamahalaan at mga mambabatas na huwag gamitin ang re-investigation sa pansariling interes, lalo na’t papalapit ang 2016 national elections.

Giit ng mga ito, hindi dapat kalimutan ng taumbayan ang malagim na Mamasapano incident at ang sakripisyo ng Special Action Force.

(Bianca Dava/UNTV News)

Tags: ,