Hihingan ng paliwanag at posibleng kasuhan ng pamunuan ng Police Security Protection Group ang mga tauhan nito na hindi tumugon sa kanilang recall order.
Ayon kay PSPG Director P/CSupt. Alfred Corpus, walang dahilan ang mga ito upang hindi sumipot sa isinagawang accounting of personnel ngayong lunes kaugnay ng pagsisimula ng election period.
December pa lamang ay sinulatan na ng PSPG ang mga VIP upang i- pull out ang kanilang mga security detail bago ang January 10.
Alinsunod ito sa Comelec Resolution 8714
Sinabi pa ni Corpus na nasa 1120 ang total strength ng PSPG, nasa 117 ang nakatalaga sa mga rehiyon kaya’t nasa 965 na lamang ang inaasahan nilang magre-report ngayong araw.
Hindi na rin kasama sa recall ang mga nakatalaga sa kanilang mandatory protective agent na kinabibilangan ng Presidente, Senate President, Justices at DILG Secretary.
Subalit 882 lamang ang present sa accounting of personnel na ginawa ng PSPG kanina at may 83 ang naitalang absent.
Idinagdag pa ng opisyal na kung nais ng mga kandidato na humingi ng security detail, kailangan nilang humingi nang pahintulot sa Comelec.
Aniya sa kasalukuyan, nasa 26 pa lamang ang humihingi ng approval sa Comelec para sa kanilang security escort.
Ang nasa mahigit 880 mga tauhan na bumalik sa PSPG ay isasailalim sa seminar at crash course upang muling i assess kung may kapabilidad pa ang mga itong i-assign muli sa mga VIP matapos ang election period.
(Lea Ylagan/UNTV News)
Tags: Police Security Protection Group, PSPG Director P/CSupt. Alfred Corpus