Gusot sa pagitan ng dalawang mataas na opisyal ng Comelec, walang malaking epekto sa paghahanda sa halalan

by Radyo La Verdad | January 11, 2016 (Monday) | 1678

GUUANZON-VS.-BAUTISTA
Kumpleto ang pitong miyembro ng Comelec en Banc sa ipinatawag na special session ngayong lunes.

Sa sesyon, inaprubahan ang isinumiteng comment ng poll body sa Supreme Court kaugnay sa petisyon ni Senator Grace Poe laban sa naunang desisyon ng 2nd Division ng Comelec na nagkakansela sa kandidatura ng senadora.

Subalit bahagya lamang natalakay sa pulong ang isinumiteng kontrobersyal na comment sa SC ni Commissioner Rowena Guanzon kaugnay naman sa petisyon ni Poe sa desisyon ng 1st Division.

Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, pag-uusapan sa regular en banc session bukas ang isinumiteng dokumento ni Guanzon sa Korte Suprema.

Ngunit giit ni Bautista malinaw sa pag-uusap ng en banc na draft comment ang ipinagagawa nila kay Guanzon.

Nanindigan naman ang poll body na walang malaking epekto sa paghahanda ng Comelec sa 2016 elections ang hindi pagkakaunawaan ni Bautista at Guanzon.

Sa isang statement sinabi ni Guanzon na hindi nito nagustuhan ang memorandum ni Bautista sa kaniya na lumabas sa media kung saan pinagpapaliwanag ito kung bakit nagsumite siya ng comment sa SC nang hindi man lamang nabasa ng ibang miyembro ng en banc.

Subalit pinanindigan ni Guanzon ang kaniyang ginawa.

Sinabi nitong kulang na sa panahon ang Comelec upang magsumite ng comment dahil walang binigay na extension ang SC sa naunang January 7 deadline.

Wala rin aniyang binigay na instruction si Bautista sa kaniya na kailangan pang idaan sa en banc ang comment.

Hinamon pa ni Guanzon ang pinuno ng Comelec sa kaniyang twitter account.

Ngunit ayon kay Baustista isang responsible official sa SC ang nagsabi sa kaniya na maari silang makapagsumite ng comment hanggang January 12.

Pina iimbestigahan naman sa ngayon ng poll body kung paano nag leak sa media ang memorandum ni Bautista na dapat ay para lamang sana kay Guanzon.

(Victor Cosare/UNTV News)

Tags: ,