PNP nakaaresto na ng 14 at nakakumpiska ng 15 baril sa dalawang araw na pagsasagawa ng Comelec checkpoint

by Radyo La Verdad | January 11, 2016 (Monday) | 3584

COMELEC-CHECKPOINT
Nakakumpiska na ang Philippine National Police ng 15 baril sa checkpoint na isinagawa sa buong bansa.

Bukod sa baril, 2 deadly weapons din ang nakumpiska, 9 na ammunitions at 1 firearms replica.

14 na rin ang naaresto kung saan 3 dito ang mula sa Region 4A, 2 sa Region 13, 3 sa Region 7, 2 sa ARMM, 2 sa Region 10, 1 sa Region 18 at 1 sa Region 2.

Ayon kay PNP Pio Chief P/CSupt. Wilben Mayor, nasa 1736 na checkpoint ang inilatag ng pambansang pulisya at random itong gagawin sa iba’t ibang lugar sa bansa hanggang matapos ang election period sa June 8.

Muling paalala ng PNP, kailangang nasa maliwanag na lugar ang checkpoint, may mark vehicle, may signage kung saan nakasulat ang pangalan at numero ng opisyal at representative ng comelec, pinamumunuan ng opisyal, naka uniporme na may name plate at visual search lamang.

Bawal na pabuksan ang trunk at rekisahin ang loob ng sasakyan at pababain ang driver.

Kaya’t payo ng tagapagsalita ng PNP, kung may nakikitang paglabag sa mga checkpoint officer ay kunan ito ng video o pictures at isumbong sa Camp Crame.

Bunsod rin ng nalalapit na halalan, 740 tauhan at opisyal na ng pnp ang pansamantalang inilipat ng pwesto.

Kabilang dito ang 25 provincial at District Director, 9 na City Director, 27 na Public Safety Force Commanders, 147 na Chief of Police at 532 mga Police Non-Commissioned Officer.

Layon nito na mapanatiling non partisan ang kanilang mga tauhan at maiwasang maimpluwensyahan ng mga pulitiko.

(Lea Ylagan/UNTV News)

Tags: , ,