Mahigpit na pagpapatupad ng gun ban sa Zamboanga Peninsula, tiniyak ng PNP

by Radyo La Verdad | January 7, 2016 (Thursday) | 2207

DANTE_GUN-BAN
Ipatutupad na sa darating na linggo na, January 10, hanggang June 8 ang Nationwide gun ban kaugnay ng nalalapit na 2016 National elections.

Sa panahong ito, mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala o pagta-transport ng baril o anomang deadly weapon lalo na sa pampublikong lugar.

Kaugnay nito, tiniyak ng Police Regional Office 9 ang mas mahigpit na pagpapatupad ng COMELEC gun ban sa buong Zamboanga Peninsula.

Ito ay upang maiwasan ang anomang karahasan lalo na ngayong papalapit ang halalan.

Bukod dito, mapipigilan din ang iba pang grupo na nais manggulo sa lugar lalo na’t nasa ilalim pa rin ng banta ng mga rebelde ang rehiyon partikular na ang Zamboanga City.

Ayon kay PRO 9 Director Police Chief Superintendent Miguel Antonio Jr. naibigay na niya ang mandato sa lahat ng mga hepe ng pulisya sa iba’t-ibang probinsya.

Aniya bagama’t walang election hotspot sa rehiyon, dapat pa rin maging alerto at responsable ang mga kawani ng pnp

Samantala, inaasahan naman na magsasagawa ng reshuffle sa mga tauhan ng PNP Region 9.

Ito ay upang maiwasan ang posibleng bias na pagtrato ng isang police official sa kaanak o kakilala nitong kumakandidato sa eleksyon.

(Dante Amento / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,