Nasa kustodiya na ng Regional Criminal Investigation and Detection Group sa Cebu ang babaeng tumangay sa isang sanggol sa Vicente Sotto Memorial Medical Center noong Lunes.
Martes ng gabi nang mahuli ang suspek kasama ang live-in partner nito sa kanilang bahay.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nagpanggap na empleyado ng ospital ang suspek dahil nakasuot ito ng puting uniporme, surgical gloves at face mask.
Dahil dito, magsasagawa ng imbestigasyon ang pamunuan ng VSMMC sa lahat ng empleyado at gayundin sa mga security guard ng ospital.
Ito ay upang makita kung saan nagkaroon ng pagkukulang at malaman kung may posibleng kasabwat sa loob ng ospital ang suspek.
Mas dodoblehin naman ngayon ng ospital ang ipinatutupad na seguridad kabilang na dito ang istriktong implementasyon ng pagsusuot ng mga empleyado ng kumpletong uniporme at i.d.
Umaasa naman ang Deparment of Health na hindi na mauulit pa ang insidente.
Muli naman pinaalalahanan ng DOH ang mga ospital sa Central Visayas na tiyaking mahigpit na naipatutupad ang safety at precautionary measures upang maiwasan ang katulad na insidente.
(Gladys Toabi / UNTV Correspondent)
Tags: iimbestigahan, kidnapping case, Mga empleyado at security guards, VSMMC