Bilang ng may trabaho sa Pilipinas noong 2015, pinakamataas sa loob ng nakaraang sampung taon ayon sa DOLE

by Radyo La Verdad | January 7, 2016 (Thursday) | 3847

DOLE
Labinwalong taon OFW ang apat na put pitong taong gulang na si Venancio dela Cruz.

Kahit hindi nakapagtapos ng kolehiyo, nakahanap si Venancio ng trabaho sa Qatar at Saudi Arabia

Nang matapos ang kanyang kontrata, umuwi na ito upang makasama ang pamilya, sa pagaakalang dahil sa experience, mas madali siya makahahanap ng trabaho sa Pilipinas.

Ngunit, tatlong taon nang walang trabaho si Venancio.

Sa ngayon, ang inipong pera mula sa pagiging OFW ang kanyang ginagamit na pangtustos sa kanilang pangangailangan.

Ang fresh graduate naman na si Rafael garcia bagaman nakapagtapos ng kursong Information Technology o IT, hirap makahanap ng trabaho.

Ayon sa Department of Labor and Employment o DOLE, may mga programa ang pamahalaan upang matulungan ang mga katulad ni Rafael at Venancio.

Sinabi ni DOLE USec. Nicon Fameronag, maaari silang pumunta sa job fairs ng ahensya, at bisitahin ang online portal na philjob.net kung saan makikita ang libu-libong trabaho.

Maaari din silang sumailalim sa training ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA at kumuha ng certification upang mabuksan ang ibang oportunidad para sa kanila.

Ayon sa Department of Labor and Employment, tumaas ang bilang ng mga pilipinong may trabaho nitong 2015 mula sa 92.9% noong 2010, umakyat ang bilang sa 94.4% noong 2015, ang pinakamataas na naitalang employment rate sa nakaraan na sampung taon.

Pinakamaraming naidagdag na trabaho sa services sector na may 21, 676, particular sa wholesale ang retail trade at repair ng motor vehicles and motorcycles, habang pinakamababa naman sa agricultural sector na nadagdagan lang ng 11, 761.

Naniniwala si USec Fameronag na ang pagtaas ng employment rate ay bunga ng maayos na pagiimplementa ng pamahalaan ng labor laws sa bansa.

Dulot din ito ng mga programa katulad ng Government Intensive Program o GIP at ang Special Program for the Employment of Students o SPES na siyang nagbibigay ng trabaho sa loob ng bagong graduate at kahit sa mga hindi pa nagsisipagtapos.

Kaya naman payo ni USec Fameronag sa mga estudyante, bago kumuha ng kurso sa kolehiyo, sumailalim muna sa career guidance counseling sa kanilang paaralan

Ayon sa DOLE, magiging in demand sa bansa hanggang sa taong 2020 ang mga trabaho sa agribusiness katulad ng poultry workers at food processors.

Gayun rin para sa mga engineer, production crew, accountant, web developers, animators sa mga therapists, nurses, surgeon.

In demand din ang mga trabaho sa hotel, restaurant and tourism, wholesale retail trade, banking and finance, mining, transport and logistics, manufacturing, real estate, power and utilities at education.

(Joyce Balancio/UNTV News)

Tags: , ,