140 dagdag na immigration officers, nakapwesto na sa NAIA terminals – MIAA

by Radyo La Verdad | April 11, 2017 (Tuesday) | 1196


Simula pa noong Sabado nakaduty na sa apat na terminal ng Ninoy Aquino International Airport ang 140 dagdag na immigration officers na magpo-proseso sa bulto ng mga pasahero sa long holiday.

Kahapon muling nag-inspeksyon sa Immigration Center sa tatlong terminal ng NAIA, si MIAA General Manager Eddie Monreal.

Kapansin-pansin na kakaunti ang mga pasahero na nakapila sa immigration section at may mga nakapwesto nang officer sa bawat booth.

Bukod sa 140, mayroon pa aniyang nakastandby na higit sa tatlong daang immigration officers sakaling kulangin pa rin ang mga naka-duty sa airport.

Nagsimula na rin ang magtrabaho sa Immigration Center ng mga tauhan ng MIAA upang tumulong sa pagsasaayos sa mga pasaherong nakapila.

Sa datos ng MIAA, nasa higit isang daang libong mga pasahero na ang dumating sa naia simula pa noong April 8 hanggang April 9.

Subalit sa pangamba na pumila nang mahaba, karamihan sa mga pasahero ay nagtungo ng maaga sa airport;

May ilan ding nag-ti-check in na sa counter, higit limang oras bago ang kanilang flight.

Kumpiyansa ang MIAA na handa na ang lahat ng terminal ng naia para sa inaasahang pagdagsa ng mga bibiyahe sa long holiday.

(Joan Nano)