14 na truck ng basura, nakolekta ng MMDA sa 1 linggong paglilinis ng Estero de Magdalena

by Radyo La Verdad | June 12, 2018 (Tuesday) | 4776

Muling binalikan ng mga tauhan ng MMDA Flood Control Group ang Estero de Magdalena sa Tondo, Maynila kahapon.

Ayon sa ahensya, umabot na sa labing apat na truck ng basura ang kanilang nakoleta simula pa noong Miyerkules. Matiyagang sinusungkit at hinahakot ng MMDA ang mga basura mula sa maruming tubig ng estero.

Hinala ng ahensya, hindi lamang mga informal settler ang nagtatapon ng basura sa estero, kundi maging ang mga ospital, restaurant, palengke at ilan pang establisyimento na malapit sa lugar.

Ito’y dahil may ilang hiringilya at ilang gamit sa ospital ang nakukuha nila sa estero.

Aminado si MMDA Chairman Danny Lim na hindi madali ang paulit-ulit nilang paglilinis sa lugar.

Sa kabila ng maruming tubig at tambak na basura, sana’y na rin umano ang mga residente sa dumi at mabahong amoy sa lugar.

Depensa ng barangay chairman na si Edwin Ibay, may malasakit rin naman umano sila sa kalinisan ng estero.

Bukas isang clean-up drive naman ang isasagawa ng MMDA at ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa paligid ng estero, kung saan oobligahin ang mga residente duon na tumulong sa paglilinis.

Plano rin ng MMDA na makipag-ugnayan sa Manila City Government at National Housing Authority (NHA) upang imungkahi ang relokasyon ng nasa 400 mga pamilya na ninirahan sa gilid ng estero.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,