Resource person sa reopening ng Mamasapano probe ilalabas sa susunod na linggo; dating DOJ Sec.De Lima pinaiimbitahan sa pagdinig

by Radyo La Verdad | January 6, 2016 (Wednesday) | 3701

BRYAN_MARCOS
Hihilingin ni Senador Bong Bong Marcos, Chairman ng Senate Committee on Local Government na maimbita si former Department of Justice Secretary Leila De Lima sa muling pagbubukas ng imbestigasyon ng senado sa Mamasapano incident.

Bukod kay De Lima inaasahang iimbitahan rin ang kasalukuyang kalihim ng Department of Justice na si Sec.Alfredo Benjamin Caguioa.

Layon nitong malaman ang estado ng mga reklamong inihain kaugnay ng madugong insidente noong Enero bente singko 2015 na ikinasawi ng 44 na Philipine National Police Special Actions Force.

Ayon sa senador mag iisang taon na mula ng mangyari ang insidente ay wala pa ring napaparusahan sa mga responsable dito.

Sinabi ni Marcos, ayon sa pamilya ng SAF 44 ;katarungan ang kanilang hiling at hindi benepisyo.

Si Senator Juan Ponce Enrile ang nagmungkahi na buksang muli ang pagdinig, upang mabusisi ng husto ang mga detalye at mapapanagot ang mga nagpabaya sa pagkasawi ng 44 na Special Action Force ng PNP.

Inaabangan din ng malakanyang kung ano pa ang bagong impormasyon sa nasabing insidente.

Ayon naman kay Senador Grace Poe, Chairperson ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs sa susunod na linggo ilalabas kung sino sino ang kabilang sa inimbitahan sa pagdinig.

Itinakda ang muling pagbubukas ng mamasapano probe sa senado sa January 25 na siya ring unang taon mula ng maganap ang maduong insidente.

(Bryan De Paz / UNTV Correspondent)

Tags: , , , , ,