Pagkolekta ng P50 para sa car registration stickers ng Land Transportation Office, ipinatitigil ng isang senador

by Radyo La Verdad | December 31, 2015 (Thursday) | 2170

MERYLL_SEN.ESCUDERO
Ipinahihinto ni Sen.Chiz Escudero sa Land Transportation Office (LTO) ang pangungulekta ng halagang P50 mula sa mga motorista hanggang hindi pa nareresolba ng ahensya ang problema nito sa pagi-issue ng car registration stickers.

Itinaon ng senador ang pahayag sa muling pagbubukas ng LTO ng rehistrasyon ng mga sasakyan para sa taong 2016. Giit ni Escudero, dapat itigil ng ahensya ang pangungulekta ng singkwenta pesos dahil aniya matatapos na ang 2015 ay wala naman umanong natanggap na registration stickers ang mga motorista ayon sa mga reklamong nakarating sa senador mula pa noong 2011.

Kaalinsabay nito,ay nanawagan si Escudero sa Commission on Audit (COA) na alamin kung saan napunta ang mga nakolektang bayad para sa mga hindi nakuhang registration stickers sa lumipas na limang taon.

“Matindi pa ito sa ‘budol-budol’ gang dahil harap-harapan kang kinukunan ng pera kada taon para sa produktong walang katiyakan kung kailan mo mahahawakan.”

Base sa datos ng LTO noong 2013, halos 7,690,038 ang registradong sasakyan sa buong bansa na kinabibilangan ng 868,148 na kotse, 1,794,572 na utility vehicle, 346,396 na sports utility vehicle, 358,445 na truck, 31,665 na bus, 4,250,667 na motorsiklo/tricycle, at 40,145 na trailer.

Maliban sa registration stickers, wala ding license plate na nilalabas ang LTO. Ito ay makaraang pagbawalan ng COA ang LTO na ipagpatuloy ang 3.88-billion pesos motor plate standardization program dahil sa pagiging iligal nito.

Gayunpaman, sinimulan na ng LTO noong nakaraang Enero na maningil ng P450 para sa mga kotse at P120 para sa mga motorsiklo kaugnay sa pagpapalit ng standardized license plates.

Ang LTO ay ahensya na nasa ilalim ng Department of Transportation and Communications (DOTC).

(Meryll Lopez / UNTV Radio Correspondent)

Tags: , , , ,