136,000 jeepney drivers, makatatanggap ng fuel subsidy sa ilalim ng Pantawid Pasada Program

by Radyo La Verdad | November 25, 2021 (Thursday) | 16366

METRO MANILA – Matatanggap na ng nasa 136,000 mga jeepney driver o operators ang fuel subsidy.
Ito ang ipinangakong ayuda ng pamahalaan sa sunod-sunod na taas presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa ilalim ng Pantawid Pasada Program ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), mabibigyan ng P7,200 ang kada driver o operator na nakarehistro sa listahan ng LTFRB.

Naka-debit ito sa pantawid pasada card na maari lamang gamitin ng mga driver sa 9 na participating gasoline stations.

Paalala ng LTFRB, hindi maaaring i-withdraw ng mga operator at driver ang perang nakalaan para sa fuel subsidy.

Bawal itong gastusin sa ibang bagay at ekslusibo lamang na gagamitin sa pagpapakarga ng diesel.

Babala ng ahensya, iisyuhan ng show cause order ang operator o driver na gagamitin ang fuel subsidy sa ibang paraan.

Malaking tulong naman at labis na ipinagpapasalamat ng ilang jeepney drivers ang ayuda mula sa pamahalaan, lalo’t mataas pa rin naman ang presyo ng diesel at may mga pagkakataon pa rin na matumal ang biyahe.

Pero ang ilang Public Utility Vehicle (PUV), gaya ng mga taxi drivers, dismayado pa rin dahil hindi sila nakasama sa fuel subsidy, panawagan nila sa gobyerno maging sila ay nangangailangan rin ng ayuda dahil sa taas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Bagaman suportado ng pamahalaan ang panawagan ng iba pang PUV drivers, ipinaliwanag ni LTFRB Chairman Martin Delgra III na kinakailangan munang amyendahan ng kongreso ang Train Law, bago makasama sa bibigyan ng fuel subsidy ang mga taxi, UV express at bus drivers.

“We fully support the Department of Transportation, we fully support the move of the senate to add additional budget for that matter or the fuel subsidy program, kaya nga lang kung kailangan talaga mapasali yung ibang modes of public transport kailangan na maamyendahan o mabigyan ng provision itong kasalukuyang fuel subsidy program para mapasali yung ibang modes of public transport gaya ng taxi, UV express, bus, TNVS, yun po.” ani LTFRB Chairman, Atty. Martin Delgra III.

Sa ngayon ay pinag-aaralan pa ang DOTr at LTFRB ang ibang programa para naman matulungan rin ang ibang transportation units na dumaraing rin sa mataas na presyo ng mga produktong petrolyo.

(JP Nuñez | UNTV News)

Tags: , , ,