136 indibidwal naaresto sa Simultaneous Police Operation sa Parañaque City

by Radyo La Verdad | September 1, 2017 (Friday) | 1835

Isang daan at tatlumpu’t-anim na indibidwal kabilang ang labing-limang menor de edad ang hinuli ng mga otoridad sa isinagawang Simultaneous Police Operation sa Parañaque City pasado alas onse kagabi.

Ayon sa PNP Parañaque, lumabag ang karamihan sa mga ito sa iba’t-ibang city ordinances kagaya ng illegal gambling, drinking in public places at half naked. Habang ang ilan ay inaresto kaugnay ng ilegal na droga at may standing warrant of arrest.

Ayon kay Police Senior Superintendent Jemar Modequillo ang mga hinuli ay una ng nabigyan ng warning ng mga pulis. Pinagsabihan din ni Modequillo ang mga magulang na sumundo sa mga hinuling menor de edad dahil sa curfew.

Samantala, dalawampu’t-dalawang motorsiklo ang kinumpiska ng otoridad dahil wala itong mga dokumento kaya’t sasailalim ito sa verification.

Patuloy ang pagpapaalala ng Parañaque City Police na ang paglabag ng ordinansa ay may karampatang multa o pagkakulong.

 

(Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent)

 

 

Tags: , ,