3 mahistrado ng Korte Suprema, pinag-iinhibit ng kampo ni Sen. Grace Poe sa kanyang disqualification cases

by Radyo La Verdad | December 30, 2015 (Wednesday) | 2869

JUSTICE
Nais ng kampo ni Sen. Grace Poe na mag-inhibit sa paghawak sa kanyang kaso ang tatlong mahistrado ng Korte Suprema na miyembro ng Senate Electoral Tribunal o S-E-T.

Ang mga mahistrado ay sina Senior Associate Justice Antonio Carpio at Associate Justices Teresita Leonardo de Castro at Arturo Brion.

Ito’y dahil may desisyon na ang mga ito sa isyu ng citizenship ni Poe bago pa man nakarating sa Korte Suprema ang usapin.

Sa kanilang dissenting opinion sa decision ng Senate Electoral Tribunal, magkakatulad ang posisyon ng tatlong mahistrado na hindi natural born filipino citizen si Poe.

May mosyon din ang kampo ng senadora na i-consolidate o pagsama samahin na lamang sa iisang kaso ang isinampa nilang mga petisyon at isama na rin dito ang kasong nag mula sa S-E-T.

Dalawang petisyon ang isinampa ng kampo ni Poe sa Korte Suprema bilang apela sa mga resolusyon ng Comelec na nagkakansela sa kanyang certificate of candidacy.

Pinigil na ng Supreme Court ang Comelec na ipatupad ang kanilang desisyon sa pamamagitan ng inilabas na TRO.

Nauna namang naghain ng petisyon si Rizalito David upang iapela ang desisyon ng Senate Electoral Tribunal pabor kay Poe.

Hindi pa consolidated ang mga kaso subalit sabay-sabay itong didinggin sa oral arguments sa January 19.

Samantala, bukod sa Comelec, pinasasagot na rin ng Korte Suprema ang iba pang respondents sa petisyon ni Poe na siyang naghain ng disqualification case laban sa senadora.

(Roderic Mendoza/UNTV News)

Tags: , ,