Sa kabila ng paulit-ulit na panawagan ng Philippine National Police na bawal ang magpaputok ng baril ay may anim nang naitalang insidente ng stray bullet kung saan lima na ang tinamaan simula noong Dec.16.
Base sa monitoring ng PNP, dalawa sa mga biktima ang tinamaan noong Dec.25.
Isa sa mga ito ay mula sa Cavite at nagtamo ng sugat sa kaliwang paa habang sa likod naman tinamaan ang estudyanteng mula sa ermita.
Sa anim namang naitalang kaso ng illegal discharge of firearms ay apat ang nahuli kabilang ang dalawang sibilyan, isang security guard at isang pulis na nakilalang si PO1 Francis Flake na nakatalaga sa Regional Personnel Holding & Accounting Unit sa Camp Bagong Diwa Taguig na nagpaputok ng baril sa isang restaurant sa Malate.
Ayon kay PNP Chief P/Dir. Gen. Ricardo Marquez, matatanggal sa serbisyo ang sino mang pulis na mapatutunayang nagpaputok ng baril ngayong holiday season.
Samantala nasa 39 na ang nahuli na nagtitinda ng illegal firecrackers habang nasa 629,506 naman ang halaga nang nakumpiska.
Kabilang sa mga pinagbabawal na paputok nahinuhuli ng mga pulis ay ang hihigit sa 1/3 teaspoon o 0.2 grams, malalaking paputok tulad ng superlolo, giant whistle bomb at iba pa, may mitsa na sobrang ikli o kaya naman ay sobrang haba, bawal din ang mga imported na paputok at ang paputok na may pinaghalong phosphorous o sulfur sa chlorate.
Kaugnay nito, muling nagbabala ang pamunuan ng pnp sa kanyang mga tauhan kaugnay ng kampanya laban sa ilegal na paputok.
Muli paalala ng pnp, iwasan ang paggamit ng mga ilegal na paputok at sa halip ay gumamit na lamang ng mga ligtas na paingay tulad ng mga turotot sa pagsalubong sa bagong taon.
(Lea Ylagan/UNTV News)