Tamang first aid treatment sa mga biktima ng paputok, ipinaalala sa publiko

by Radyo La Verdad | December 29, 2015 (Tuesday) | 3247

PAPUTOK-2
Hindi pa man nagpapalit ng taon napakarami nang mga biktima ng paputok ang isinusugod sa mga ospital, dito lamang sa East Avenue Medical Center nasa tatlo hanggang apat na biktima ng paputok ang isinusugod araw-araw.

Nangunguna pa rin ang ipinagbabawal na paputok na piccolo sa ginamit ng mga biktima na karamihan ay mga menor de edad.

Sa East Avenue Medical Center pa lamang nasa 15 na ang kumpirmadong naputukan mula December 24 hanggang ngayong araw.

8 hanggang 15 taong gulang ang mga naputukan at karamihan sa kanila piccolo ang ginamit na paputok.

Ayon kay East Avenue Medical Center Emergency Department Head Dr. Alfonso Nuñez, inaasahan na nila ang pagdami pa ng mga biktima ng paputok na dadalhin sa ospital lalo’t ilang araw nalang bago ang pagpapalit ng taon.

Paalala nito sa mga mabibiktima ng paputok na agad na linisin at lapatan ng pangunang lunas ang sugat na likha ng paputok.

Una ay hugasan ang sugat sa running water gamit ang sabon, upang maalis ang mga pulbura at bacteria.

Lagyan ng antibiotic ointment kung mayroon upang ma-disinfect ang sugat at balutan ito ng malinis na tela.

Kung malaki ang sugat i-elevate ito upang mabawasan ang pagdurugo at saka dalhin sa pinakamalapit na ospital.

Mahalagang makita at magamot ng doktor ang tinamong sugat upang hindi ma-impeksyon.

Sa mga mangangailangan ng tulong medikal bukas ang UNTV News and Rescue para magbigay ng libreng tulong.

Maaari kayong tumawag sa 911-untv o 911-8688.

(Grace Casin/UNTV News)

Tags: , , ,