132 Filipino repatriates mula sa Caribbean Island na sinalanta ng Hurricane Irma, nasa Pilipinas na

by Radyo La Verdad | September 21, 2017 (Thursday) | 6145

Bakas sa mga mukha ng isandaan at tatlumpung dalawang mga kababayan nating repatriate mula sa Carribean Islands ang saya na muling makatuntong sa Pilipinas.

Dumating ang mga ito sa Ninoy Aquino International Airport mula Puerto Rico bandang alas diyes kagabi.

Ang mga ito ay mula sa British Virgin Islands, Saint Marten at Anguilla na lubhang sinalanta ng Category 5 Hurricane Irma.

Sa kabila ng kaligayahan na makabalik sa Pilipinas, bitbit naman ng mga ito masalimuot na karanasang dulot ng malakas na bagyo.

Sinalubong ng kawani ng Department of Foreign Affairs at Overseas Workers Welfare Administration ang mga repatriates sa NAIA terminal two.

Nangako ang OWWA na bibigyan ang mga ito ng ayuda tulad ng pansamamtalang matutuluyan, trabaho sa Pilipinas o ibang bansa, tulong pangkabuhayan, libreng pag-aaral para sa mga bata, tulong medikal o legal, at iba pa.

Tutulungan din ang repatriates sa transportasyon mula sa NAIA hanggang sa destinasyon ng mga ito.

Samantala, patuloy namang nagbabantay ang DFA sa sitwasyon ng ating mga kababayan sa mga lugar na maaring maapektuhan naman ng isa pang Category 5 Hurricane na si Maria na kasalukuyang nananalasa naman sa Puerto Rico.

 

( Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,