Mga gun owner, pina-alalahanang isuko ang mga baril na paso na ang lisensya

by Radyo La Verdad | December 24, 2015 (Thursday) | 2392

GERRY_GUN-OWNER
Mahigit dalawang libo at limang daan pang unrenewed gun license ang nasa kamay pa ng mga firearms holder ayon sa tala ng Philippine National Police-Masbate.

Ayon sa pulisya, maituturing ng loose firearm ang baril na mahigit isang taon nang paso ang lisensya.

Sa ilalim ng Republic act 10591 o The Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, kada dalawang taon kinakailangang i-renew ng gun owner ang kanilang license to possess firearms habang ang firearm registration ay dapat i-update kada 4 na taon.

Muli namang nagpaalala ang pnp sa mga gun owner na isuko muna sa pinakamalapit na police station ang kanilang baril hanggang hindi pa nakakapag-renew ng lisensya at bago pa ipatupad ng comelec ang gun ban sa susunod na taon.

Palalakasin naman ng PNP ang Oplan Katok at pagsasagawa ng checkpoint sa buong lalawigan ng Masbate.

Bahagi ito ng paghahanda ng Masbate Provincial Police Office sa nalalapit na 2016 national elections lalo na at kasama sa election hotspots ang lalawigan.
Samantala, isang batalyong pulis ang inaasahang ipadadala sa Masbate bilang karagdagang pwersa na mangangalaga ng kaayusan at katahimikan sa darating na halalan.

(Gerry Galicia / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,