Vehicular accident sa Quezon City, nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team

by Radyo La Verdad | December 24, 2015 (Thursday) | 1936

REYNANTE_TMBB
Nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team ang banggaan sa pagitan ng isang motorsiklo at kotse sa bahagi ng Quezon Avenue sa panulukan ng West Avenue sa Quezon City pasado alas tres ng madaling araw.

Sa inisyal na imbestigasyon ng MMDA traffic sector galing sa isang party ang biktima at papauwi na sana ng mangyari ang aksidente.

Sumalpok ito sa kasalubong na toyota vios habang pakaliwa sa West Avenue.

Ayon naman sa driver ng kotse dumiretso pa rin umano ang motorcycle rider kahit na naka stop ang traffic light.

Hindi niya ito agad napansin at dire-diretso rin ang kanyang takbo kaya hindi na niya ito naiwasan.

Nakahiga pa sa kalsada ang biktima si Juan Paolo Enriquez, 26 anyos na nakatira sa Don Primitivo Extension sa Barangay Holy Spirit.

Nagtamo ito ng galos sa magkabilang tuhod at pamamaga ng kanyang balikat.

Agad namang nilapatan ng paunang lunas ng UNTV News and Rescue Team ang mga sugat ng biktima at isinugod sa East Avenue Medical Center.

Iniimbistagahan na ng mga otoridad kung sino ang dapat managot sa aksidente upang masampahan ng kaukulang reklamo.

(Reynante Ponte / UNTV Radio Reporter)

Tags: