Bulto ng mga pasahero sa NAIA Terminal 3, inaasahang dadagsa ngayong araw

by Radyo La Verdad | December 23, 2015 (Wednesday) | 2058

NAIA
Siksikan na at hindi maubos-ubos ang pila sa mga check-in counter dito sa naia NAIA Terminal 3.

Nagsimula na kasing dumagsa ang mga pasahero na uuwi ng kani-kanilang probinsya at manging bang bansa ngayon holiday season.

Dahil sa bulto ng mga pasahero, hindi na pinapayagan pa ang mga maghahatid na makapasok sa mismong lobby ng airport.

Masusi na ring iniinspeksyon ng mga security guard ang bawat ticket ng mga pasaherong papasok sa loob upang maiwasan na ang pagkakaroon ng problema sa kanilang flight.

Si Grace na papunta sana sa Iloilo, na-realign ang flight ngunit hindi umano siya inabisuhan ng airline company.

Kaya naman hindi pa niya matiyak kung nakakabiyahe siya ngayong araw.

Ang pasahero namang si nelson na uuwi sa Davao, halos dose oras nang naghintay sa airport bago ang kanyang scheduled flight.

Mas mabuti aniyang maaga sa airport kaysa maiwan ng eroplano.

Ayon kay NAIA Terminal 3 General Manager Octavio Lina, noong linggo ay umabot sa 57 thousand ang arrivals at departures.

Ngayong araw ay inaasahan nilang mas dadami pa ang mga pasahero.

Pinayuhan ni Lina ang mga pasahero na huwag nang magdala ng mga ipinagbabawal na bagay upang di na sila maabala pa.

Samantala, may ilang pasahero pa rin ang takot mabiktima ng tanim-bala modus kaya naman labis-labis ang pag-iingat nila sa mga dalang bagahe.

Para naman sa mga pasahero na nais malaman ang kanilang flight status, maaari kayong tumawag sa mga hotline number ng airline companies.

(Grace Casin/UNTV News)

Tags: , ,