13 Pilipino na lumikas mula sa Lviv, Ukraine, nakarating na sa Poland

by Radyo La Verdad | February 28, 2022 (Monday) | 11764
PHOTO: DFA FACEBOOK PAGE

Ligtas nang nakarating sa Poland ang unang batch ng mga Pilipinong inilikas mula sa Ukraine.

Sinalubong ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr. ang labing-tatlong pinoy repatriates pagkatapos ng limang oras nilang paglalakbay sa pamamagitan ng bus. 

Biyernes nang dumating sa Poland ang kalihim mula sa EU Ministerial Forum for Cooperation in Indo-Pacific sa Paris at tumuloy sa Poland upang personal na makita ang paglilikas sa mga kababayan.

Ayon kay Sec. Locsin, naka-high alert ang DFA 24/7 upang matiyak ang kaligtasan ng mga pinoy sa gitna ng Ukraine-Russia tension.

Tinutukoy din ng mga embahada ng Pilipinas sa Poland at Hungary kung ilan lahat ang mga kababayan sa Ukraine upang mai-repatriate sila sa lalong madaling panahon.

Ayon kay DFA Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs Aara Lou Arriola, sa mahigit apat na pung pinoy sa Lviv, labing-tatlo lang ang sumama sa biyahe para sa repatriation program.

Patuloy naman ang apela ng pamahalaan sa mga pinoy sa Ukraine na mag-ingat, manatiling mapagmasid at agad na makipag-ugnayan sa Philippine Embassy team sa Lviv o Consulate General sa Kyiv kung nangangailangan ng assistance.

Maaaaring makipag-ugnayan sa Philippine Embassy sa warsaw sa pamamagitan ng email o kaya naman sa kanilang emegenry hotline at office mobile number.

Ang mga nangangailangan naman ng repatriation assistance malapit sa borders ng Moldova at Romania ay maaaring makipag-ugnayan sa Philippine Embassy sa Budapest sa pamamagitan ng kanilang emergency hotline at viber number.

Samantala, maaari namang makipag-ugnayan sa Philippine Consulate sa Moldova sa pamamagitan ng email o kaya naman sa kanilang whatsapp at mobile number.

Rosale Coz | UNTV News

Tags: , , , ,