Labintatlong bayan sa Pangasinan ang binaha dahil sa pagbuhos ng ulan sanhi ng bagyong Lando.
Kabilang sa mga binahang lugar ang Labrador, Bugallon, Mangatarem, Aguilar, San Manuel, Asingan, Sto.Tomas, Villasis, Alcala, Bautista, Bayambang, Urbiztondo at San Nicolas.
Nahirapan naman ang rescue teams sa pagpasok sa ilang lugar dahil sa lakas ng hangin at agos ng tubig.
Nakadagdag pa sa baha ang pagbubukas ng apat na gate ng San Roque Dam matapos umabot sa spilling level ang tubig nito.
Samantala, nangangamba naman ang maraming residente sa bayan ng Sta. Cruz sa posibleng pagguho ng malaking tulay sa barangay Bayto na isa sa mga pangunahing dinadaanan ng mga sasakyan sa lugar.
Ito ay dahil sa pagragasa ng malakas na agos ng ilog na tinatangay ang lupa sa magkabilang gilid at ilalim ng tulay.
Sa ngayon ay maliliit na sasakyan lang muna ang pinapayagang dumaan sa tulay at bawal ang mga bus at truck.
Ayon sa Department of Public Works and Highways, hindi pa nila magagawa ang nasirang tulay dahil mataas pa rin ang antas ng tubig sa ilog.
sa tala naman ng sta.cruz local disaster unit, tinatayang nasa tatlong daang pamilya ang nanunuluyan ngayon sa mga evacuation center matapos lumikas mula sa dalawampu’t limang barangay.
Samantala, wala pa ring suplay ng kuryente ang ilang barangay sa mga bayan ng Masinloc, Palauig, San Narciso, Sta. Cruz at Olongapo City dahil sa nasirang mga kawad at poste ng kuryente.
Hiling naman ng mga naapektuhan ng bagyo na bigyan sila ng ayuda ng pamahalaan, gaya ng pagkain, malinis na inuming-tubig at gamot dahil binaha ang kanilang mga supply.
Samantala, sa bahagi naman ng Aringay, La Union ay mahigit sa isandaang pamilya ang pansamantalang nakikisilong sa isang gym dahil sa epekto ng bagyong lando
Karamihan sa mga lumikas ay mula sa coastal barangays ng Alaska, Samara, Dulao, San Benito Sur, at Sto. Rosario.
Sa ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council, isa ang napaulat na nawawala sa Aringay matapos tangayin ng malakas na agos ng ilog habang halos limampung bahay naman ang napinsala.
Sa kasalukuyan ay wala paring suplay ng kuryente ang buong bayan ng Aringay dahil sa mga nasirang poste ng kuryente. ( Joshua Antonio / UNTV News )
Tags: Aguilar, Alcala, Asingan, Bautista, Bayambang, Bugallon, Labrador, Mangatarem, San Manuel, Sto.Tomas, Urbiztondo, Villasis