$12m na halaga ng ariarian ni Janet Lim Napoles sa Amerika, kukumpiskahin ng US Gov’t

by Radyo La Verdad | July 15, 2015 (Wednesday) | 1539

NAPOLES 2
Hiniling ng US Justice Department na kumpiskahin ang ari-arian ni pork barrel scam mastermind Janet Lim Napoles sa Amerika na nagkakahalaga ng 12.5 million dollars o mahigit P540 million pesos.

Nakasaad sa inihaing civil forfeiture complaint ng U-S Justice Department na makontrol ang ari-arian ni Napoles doon.

Kabilang sa mga pinakukumpiska ang magarbong condominium sa Ritz-Carlton Hotel sa Los Angeles, isang motel malapit sa Disneyland at ang Porsche Boxster na binili ni Napoles para sa anak na si Jeanne na mula umano sa Disaster and Development Fund ng Pilipinas.

Ayon sa statement ni Los Angeles Assistant Attorney General Leslie Caldwell, hindi makapapayag ang Justice Department na maging playground ng mga tiwali at taguan ng mga nakaw na yaman ang Amerika.

Kinumpirma naman ni Sec. Leila de Lima na nakikipagtulungan na ang Pilipinas sa US-DOJ upang makumpiska ang mga ari-arian ni Napoles sa Amerika.

Ayon sa kalihim, sakaling manalo sa kaso ang US-DOJ, hihilingin ng pamahalaan ng Pilipinas na makuha ang proceeds ng naturang mga ari-arian.

May kapareho na ring civil forfeiture case na isinampa ang Anti Money Laundering Council o AMLC sa Manila Regional Trial Court para sa mga ari arian ni Napoles dito sa Pilipinas.

Naglabas na ng Asset Preservation Order o freeze order ang Korte habang patuloy na dinidinig ang kaso.

Ayon kay De lima, makatutulong ang forfeiture case na isinampa ng US-DOJ upang mapatibay ang civil case dito sa Pilipinas at ang mga kasong plunder at katiwalian na hinaharap ni Napoles sa Sandiganbayan.

Tags: , , ,